Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagtatayo ng bagong passenger terminal building sa Godofredo P. Ramos Airport o mas kilala bilang Caticlan Airport, Lunes ng umaga, Hulyo 14.
Pinangunahan ng pangulo ang groundbreaking ceremony kasama si Ramon S. Ang, chairman at chief executive officer ng San Miguel Corporation (SMC), majority stakeholder ng paliparan.
Ang pagbubukas umano ng bagong state-of-the-art terminal building ay inaasahang lalo pang magpapalakas sa industriya ng turismo at ekonomiya ng bansa.
Ang two-storey Passenger Terminal Building ay may kabuuang floor area na 36,470 square meters na may anim na passenger boarding bridges ag 36 individual check-in counters.
Sinabi pa ng pangulo na kumbinsido siyang maraming mabubuksang pinto ng mga oportunidad ang bagong terminal building sa mga taga-Aklan, at sa buong bansa.
Kapag natapos na, inaasahang palalawakin ng bagong terminal ang kapasidad ng paliparan sa hanggang pitong milyong pasahero kada taon at kayang magsilbi ng hanggang 3,000 pasahero nang sabay-sabay, na magpapabuti sa karanasan ng mga biyahero at lalo pang magpapataas sa bilang ng mga turistang nagbabakasyon lalo na sa Isla Boracay.
Bilang pangunahing daanan patungong Boracay, ang Caticlan airport ang pinaka-praktikal na ruta para sa mga turista papunta sa sikat na destinasyon.
Ito ay patatakbuhin ng Trans Aire Development Holdings Corp. (TADHC), isang subsidiary ng SMC.
Noong Nobyembre 2024, ipinagkaloob sa Megawide Construction Corp. ang kontrata para sa konstruksyon at disenyo ng nasabing gusali.
Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na nangako ang SMC na matatapos ang bagong terminal bago matapos ang termino ni PBBM sa 2027.