Posibleng italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibang posisyon si dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III matapos itong sibakin sa puwesto, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang press conference noong Martes, Agosto 26, sinabi ni Remulla na nananatili ang tiwala ng Pangulo sa kakayahan at karanasan ni Torre, kahit tinapos ang kanyang tatlong buwang panunungkulan bilang hepe ng PNP.
Nilinaw ni Remulla na walang nilabag na batas o kasong administratibo si Torre at ang desisyon ay bahagi lamang ng prerogatibo ng Pangulo.
Itinalaga naman bilang officer-in-charge ng PNP si Lt. Gen. Jose Nartatez Jr., dating ikalawang pinakamataas na opisyal ng pulisya, kasunod ng utos ng National Police Commission na binawi ang ilang personnel assignments na ginawa ni Torre.