Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes na titiyakin niyang ang bawat piso ng PhP6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026 ay gagastusin sa paraang direktang makikinabang ang sambayanang Pilipino.
“Hindi tayo na papayag na mapunta sa kurakot ang salaping pinaghirapan ng bawat Pilipino,” pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang talumpati sa paglagda ng General Appropriations Act (GAA) para sa Fiscal Year 2026, sinabi ni Pangulong Marcos na ang bawat programa o proyekto ay daraan sa mahigpit at masusing pagsusuri upang matiyak ang konkretong resulta para sa mga Pilipino, lalo na para sa mga pinaka-nanganganib at higit na nangangailangan.
Nilagdaan na ni Pangulong Marcos ang PhP6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026 na layong ipagpatuloy ang pag-unlad ng bansa sa reporma sa edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, seguridad sa pagkain, panlipunang seguridad, at paglikha ng trabaho.
Tiniyak din ng Pangulo na paiigtingin ng kanyang administrasyon ang mga hakbang upang mapabuti ang mga sistema ng pamahalaan, patatagin ang pananagutan, at labanan ang katiwalian.
Hinimok din ni Pangulong Marcos ang publiko na aktibong makilahok sa mga layuning ito.













