-- ADVERTISEMENT --

Nagbigay ng medikal at emergency assistance ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isang barko ng China Coast Guard (CCG) matapos itong bumangga sa barko ng Chinese Navy sa karagatan ng Bajo de Masinloc noong Lunes.

Ayon sa PCG, nangyari ang insidente habang hinahabol ng CCG vessel ang BRP Suluan. Dahil sa mapanganib na maniobra, bumangga ito sa PLA Navy ship 164, na nagdulot ng malaking pinsala sa CCG vessel.

Nag-alok agad ng tulong ang PCG, kabilang ang pagsagip sa mga posibleng nahulog sa dagat at pagbibigay ng medikal na atensyon sa mga nasugatang tripulante.

Ang insidente ay naganap kasabay ng humanitarian mission na “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda,” na layong suportahan ang mga Pilipinong mangingisda sa lugar. Sa gitna ng operasyon, nakaranas muli ang mga barkong Pilipino ng mapanganib na maniobra mula sa mga Chinese vessel, kabilang ang pagtutok ng water cannon sa BRP Suluan.

Pinuri ng mga mambabatas ang PCG sa kabila ng tensyon, at muling nanawagan ng pagtigil sa agresibong kilos ng China sa West Philippine Sea. Ipinahayag din ng Department of National Defense ang suporta nito sa PCG at tiniyak ang patuloy na pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --