Nagpataw ng mga parusa ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa ilang tauhan at opisyal kaugnay ng paglubog ng pampasaherong barkong MV Trisha Kerstin 3 sa Basilan.
Apat na miyembro ng Pre-Departure Inspection Team ang sinibak nang walang dangal matapos mapatunayang nabigong beripikahin ang aktuwal na bilang ng pasahero at maayos na maidokumento ang load line markings ng barko. Isang tauhan ang ibinaba ng ranggo dahil sa kapabayaan sa tungkulin, habang dalawang opisyal ng PCG Zamboanga Station ang sinuspinde ng isang taon nang walang sahod at inatasang sumailalim sa retraining sa inspeksiyon at pamamahala ng operasyon.
Samantala, natapos na ng PCG Technical Diving Group ang huling underwater operation sa lugar ng paglubog malapit sa Baluk-Baluk Island. Wala nang nadagdag na bangkay na narekober. Sa pinakahuling tala, 65 ang nasawi, 293 ang nakaligtas, at 14 ang nananatiling nawawala.













