KALIBO, Aklan — Nagtakda ang bagong upo na director ng Police Regional Office 6 na si Police Brigadier General Josefino Ligan ng mataas na batayan para sa mas mabilis at maaasahang pagresponde ng kapulisan.
Ayon kay P/Lt Col Arnel Solis, tagapagsalita ng PRO-6, mahigpit ang naging direktiba ni BGen. Ligan na ipatupad ang utos ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na 5- minute response time para sa mga humihingi ng tulong.
Gusto aniya ng opisyal na maibalik at mapalakas ang kumpiyansa ng publiko sa pulisya kung saan ito ay nakabatay sa agarang aksyon at hindi lamang ang kanilang presensya.
Itinutulak rin umano ng bagong regional director ang performance-driven at service-focused leadership style.
Samantala, mahigpit rin nitong pinapatutukan ang kampanya laban sa iligal na droga, illegal gambling, loose fire arms at iba pang illegal activities sa buong Western Visayas.
Pinalitan ni Ligan si Police Brigadier General Jack Wanky matapos na ma-assign bilang hepe ng Police Regional Office 4-A.
Si Ligan ay nagtapos sa Philippine National Police Academy noong 1996 at nagkaroon ng mga assignments sa Region 7, NCRPO, Quezon City Police District hanggang sa naging director ng Northern Police District.