-- ADVERTISEMENT --

Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang phased rollout ng GAMOT Program o PhilHealth Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment, na layong palawakin ang access ng mga miyembro sa mahahalagang gamot habang pinapalakas ang sistema laban sa panlilinlang.

Ayon sa PhilHealth, ang maingat na pagpapalawak ng programa ay ginawa upang matiyak ang agarang bayad sa partner pharmacies at mapanatili ang integridad ng sistema. Bahagi ng tugon sa reklamo ng ilang botika, nangako ang ahensya ng 15-araw na reimbursement para sa mga valid claims at nagpadala na ng karagdagang tauhan upang mapabilis ang proseso.

Habang unti-unting pinalalawak ang programa sa buong bansa, nananatiling available ang 21 essential medicines sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) clinics.

Kasabay nito, binubuo rin ng PhilHealth ang mas pinalakas na fraud prevention system sa pamamagitan ng integrasyon sa Philippine Identification System Registry at paggamit ng teknolohiyang pinapagana ng artificial intelligence.

Hinihikayat ng PhilHealth ang mga interesadong botika na makipag-ugnayan sa kanilang regional offices upang maging bahagi ng programa.

-- ADVERTISEMENT --