KALIBO, Aklan—Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangamba ng mamamayan dahil sa inilabas na tsunami warning sa Pilipinas kasunod ng magnitude 8.7 na lindol na tumama sa Kamchatka Peninsula sa Russia.
Ito ay matapos na binawi ng ahensya nitong hapon ang nasabing abiso ngunit pinaalalahan pa rin ang lahat na maging alerto at mapagmatyag dahil sa posible pa rin ang mga aftershocks ng nasabing lindo.
Kaugnay nito, pinayuhan ang publiko ni Kalibo Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Head Mr. Terrence June Toriano na ugaliing maging mabagsik sa paggalaw sa paghahanda ng mga mahahalagang bagay kung may mga tsunami warning lalo na ang mga naninirahan sa coastal areas.
Unpredictable aniya ang mga ganitong kalamidad kung kaya’t ang karanasan sa earthquake drill at ang mga lehitimong impormasyon na inilathala sa komunidad ukol dito ang kailangan ng bawat isa upang mailigtas ang sarili sa banta ng pinsala ng kalamidad.
Dagdag pa ni Toriano na kailangang palaging handa ang disaster kit para kahit anong oras na palikasin ay kaagad na makagalaw. Dapat nakahanda na ang mga importanteng dokumento, pagkain, gamot at iba pa kung may mga ganitong kalamidad partikular kung may padating na bagyo na nagresulta sa malawakang pagbaha.
Nabatid na base sa US geological survey, ang lindol ay may lalim na 19.3 km kung saan ang sentro nito ay tumama sa East Southeast ng Petropavlovsk-Kamchatsky na may populasyon na 165,000. Nasundan pa ito ng magnitude 6.9 na aftershock at maraming iba pa.
Dahil dito, nagpalabas rin ng tsunami warning ang Phivolcs sa coastal areas na humaharap sa pacific ocean partikular ang sakop ng Babuyan Island at Eastern Visayas.
Gayunpaman, bandang alas-5:00 ng hapon ay binawi na ng Phivolcs ang nasabing tsunami warning.