-- ADVERTISEMENT --

Pinalakas pa ang ugnayang pangdepensa ng Pilipinas at India sa pamamagitan ng paglagda ng tatlong Terms of Reference (TOR) na layuning patatagin ang kooperasyon sa pagitan ng mga pangunahing sangay ng sandatahang lakas ng dalawang bansa.

Nilagdaan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Indian Defense Minister Rajnath Singh ang TORs noong Agosto 5 sa New Delhi, kasabay ng opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa India mula Agosto 5 hanggang 8.

Sinasaklaw ng kasunduan ang pag-uusap sa pagitan ng Philippine Air Force at Indian Air Force , Philippine Army at Indian Army , at Philippine Navy at Indian Navy.

Magiging batayan ang mga TOR sa pagbubuo ng working groups na tututok sa mga larangan gaya ng edukasyong militar, pinagsamang pagsasanay, pagpapalakas ng kakayahan, lohistika, maritime domain awareness, at pagtugon sa sakuna.

Sa hiwalay na pagpupulong nina Pangulong Marcos at Indian Prime Minister Narendra Modi, kapwa nilang iginiit ang kahalagahan ng panuntunang internasyonal, kapayapaan sa rehiyon, at pinalalim na kooperasyon sa larangan ng depensa, kalakalan, teknolohiya, enerhiya, at edukasyon.

-- ADVERTISEMENT --