-- ADVERTISEMENT --

Nilagdaan ng Pilipinas at United Arab Emirates ang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) sa Abu Dhabi upang palakasin ang kalakalan at pamumuhunan ng dalawang bansa. Nasaksihan ang paglagda nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan sa Abu Dhabi Sustainability Week 2026.

Layunin ng CEPA na pababain ang taripa, palawakin ang market access, at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino. Saklaw nito ang mga sektor tulad ng digital trade, MSMEs, sustainable development, at professional services, kung saan inaasahang makikinabang ang mga produktong Pilipino gaya ng saging, pinya, de-latang tuna, at electronics.

Noong 2024, umabot sa halos US$1.83 bilyon ang kalakalan ng dalawang bansa. Inaasahang magpapataas ang kasunduan ng higit siyam na porsiyento sa export ng Pilipinas sa UAE at magpapalakas ng ugnayang pangkalakalan sa rehiyong Gulf.