Idineklara ni Pangulong Bongbong Marcos ang state of national calamity sa loob ng isang taon para mapabilis ang rescue, relief, recovery at rehabilitation efforts kasunod ng malawakang pinsalang dulot ng Bagyong Tino.
Sa Proclamation No. 1077, layunin ng deklarasyon na mapadali ang mas mabilis at mas maayos na paghahatid ng humanitarian assistance ng gobyerno at pribadong sektor sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Ang isang taong state of national calamity ay nagpapahintulot din sa agarang pagpapatupad ng mandatory remedial measures, tulad ng pagpataw ng price ceiling sa mga pangunahing bilihin; pagbibigay ng walang interes na pautang sa mga pinakaapektadong sektor; at sa problema ng overpricing, profiteering o pag-iimbak ng mga mahahalagang produkto, gamot at produktong petrolyo.
Nagpapahintulot din ito sa national at local governments na gumamit ng naaangkop na mga pondo para sa rescue, relief, recovery at rehabilitation programs, kabilang ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga displaced na indibidwal at komunidad.
Inutusan din ang lahat ng kinauukulang ahensya na ipatupad ang post-disaster recovery measures upang maibalik ang normal at mapabuti ang mga pasilidad, kabuhayan at kondisyon ng pamumuhay sa mga komunidad na sinalanta ng kalamidad.













