-- ADVERTISEMENT --

Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na bumaba ng 14 porsiyento ang bilang ng mga pinsalang dulot ng paputok sa buong bansa sa nagdaang holiday season, batay sa surveillance data mula sa 62 sentinel hospitals.

Ayon sa pahayag ng DOH, umabot sa kabuuang 720 kaso ang naitala mula Disyembre 21, 2025 hanggang alas-4 ng madaling-araw ng Enero 5, 2026. Mas mababa ito kumpara sa 834 na kaso sa kaparehong panahon ng pagmamanman noong nakaraang taon.

Sa kabuuang bilang, 377 biktima o 52 porsiyento ay may edad 19 pababa, habang ang natitirang 48 porsiyento ay nasa edad 20 pataas.

Muling pinaalalahanan ng DOH ang publiko na agad magpatingin sa mga health facility sakaling magtamo ng pinsalang may kaugnayan sa paputok, lalo na ang mga paso at sugat dulot ng pagsabog, upang maiwasan ang mga komplikasyon.

Binigyang-diin ng mga opisyal ng kalusugan na ang impeksiyon ng tetanus mula sa bukas na sugat ay maaaring maging banta sa buhay kung hindi agad magagamot, kaya mahalaga ang agarang pagpapakonsulta.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinakita rin ng datos na ang mga karaniwang paputok na nagdulot ng pinsala ay ang kwitis, five-star, whistle bomb, boga o lutong-kanyon, at piccolo.

Muling nanawagan ang DOH sa publiko na iwasan ang paggamit ng paputok at pumili ng mas ligtas na alternatibo sa mga susunod na pagdiriwang ng holiday.