-- ADVERTISEMENT --

Hindi pabor ang mga maliliit na mangingisda sa plano ng gobyerno na mag-angkat ng 8,000 metrikong toneladang isda sa gitna ng ipinatutupad na closed fishing season at epekto ng mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Ronnel Arambulo, Vice Chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA, dapat itigil na ng pamahalaan ang pag-angkat ng isda, at sa halip ay suportahan ang local fish production sa bansa.

Giit pa nito na malaking kalokohan ang importasyon ng isda dahil hindi naman bumababa ang presyo nito sa mga merkado publiko.

Wala rin umanong katotohanan na may kakulangan sa supply dahil batay sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, umaabot sa 2 million metric tons bawat taon ang produksyon nito sa bansa.

Ang closed fishing season aniya at ang importasyon ng isda ay parehong mapaminsala sa mga lokal na mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga traders at commercial fishing sector umano ang kumikita sa ganitong kalakaran.

Dagdag pa ni Arambulo na ang mga inaangkat na isda ay mula rin sa kadagatan ng Pilipinas na ibinibenta pabalik sa bansa.

Muling nanawagan ang PAMALAKAYA kay Pangulong Bongbong Marcos na magbigay ng tulong sa mga mangingisda sa pamamagitan ng mga subsidiya at pagpapatayo ng mga freezing facility upang mapaghandaan ang taun-taong closed fishing season.