-- ADVERTISEMENT --

Humiling ang Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Interpol na maglabas ng red notice laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na patuloy na tinutugis kaugnay ng mga kaso ng kidnapping with homicide sa pagkawala ng mga sabungero.

Bagama’t pinaniniwalaang nasa loob pa ng bansa si Ang, inihain ang red notice upang matiyak ang kanyang pag-aresto sakaling makalabas ng Pilipinas. Kasabay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang CIDG sa Bureau of Immigration para sa pagpapatupad ng hold departure order at binawi na rin ang kanyang lisensiya sa pagmamay-ari ng baril.

Si Ang na lamang ang nananatiling at-large matapos maaresto ang 17 niyang mga kasabwat. Dahil sa bigat ng mga kasong kinahaharap, idineklarang number one most wanted person sa bansa ang negosyante, na may nakalaang P10 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kanyang pagkakaaresto.