-- ADVERTISEMENT --

Umaasa ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ang muling pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Disyembre 2025 patungong Nobyembre 2026 ay siyang huling pagkakataon na maaantala ang halalan.

Babala ng PPCRV, ang paulit-ulit na pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay ay maaaring makaapekto sa pananagutan at tiwala ng publiko. Binigyang-diin ng grupo na mahalaga ang regular at nakatakdang halalan upang mapanatili ang integridad ng demokrasya sa bansa.

Ang pahayag ay kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act 12232, na nagtakda ng bagong iskedyul ng BSKE sa Nobyembre 2026 at nagpapatupad ng halalan kada apat na taon.

Samantala, inihayag din ng PPCRV ang suporta sa paghahanda para sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa Oktubre 13, 2025. Ayon sa grupo, ang halalang ito ay may malaking papel sa pambansang katatagan.

Gayunpaman, iginiit ng PPCRV na hindi dapat maging dahilan ang BARMM elections para sa patuloy na pagpapaliban ng BSKE, at nanawagan ito na sundin na ang itinakdang iskedyul ng halalan sa mga susunod na taon.

-- ADVERTISEMENT --