Posibleng tumaas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE).
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rodela Romero, batay sa apat na araw ng pandaigdigang kalakalan, maaaring tumaas ang gasolina ng humigit-kumulang P0.10 kada litro, diesel ng P0.85, at kerosene ng P0.45.
Binigyang-diin ni Romero ang ilang dahilan ng pagtaas ng presyo, kabilang ang pagkaantala sa supply sa Estados Unidos dulot ng masamang panahon na nagbawas ng hanggang 2 milyong bariles kada araw, mabagal na pagbawi ng Tengiz field sa Kazakhstan matapos ang sunog at problema sa kuryente, tumataas na Iran risk premium, at desisyon ng OPEC+ na ipahinto pansamantala ang pagtaas ng produksyon.
Aniya, hindi kasama sa pagtatantya ang operating cost at iba pang premium ng mga kumpanya ng langis. Ang opisyal na anunsyo ng pagbabago sa presyo ay ginagawa tuwing Lunes at ipinatutupad kinabukasan.













