KALIBO, Aklan — Hinihimay pa ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng motibo sa pamamaslang sa beteranong kolumnistang si Juan “Johnny” Dayang.
Ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office sa isinagawang press conference na ilan sa mga sinusundang anggulo ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ay kung may kinalaman ito sa kanyang trabaho bilang mamamahayag, pulitika dahil sa diumano’y pagiging dating mayor at iba pa.
Wala pa umano silang tinitingnang potential person of interest sa krimen at sinimulan na ang backtracking sa mga kuha ng CCTV para matunton ang suspek.
Inaalam na rin umano ang mga naging huling kausap at pinuntahan ng biktima gayundin ang pahayag ng kaanak at mga testigo.
Nabatid na habang naka-upo sa rocking chair at nanunuod ng telebisyon sa loob ng kanyang bahay ang biktima nang isang hindi kilalang lalaki lulan ng motorsiklo ang lumapit umano sa kanilang gate at pinaputukan ito ng makailang ulit.
Tatlong putok ng baril ang narinig ng kanyang mga kasamahan sa bahay.
Nangyari ang insidente pasado alas-8:00 ng gabi ng Martes, Abril 29 sa Villa Salvacion, Brgy. Andagao, Kalibo.
Naisugod pa sa ospital ang biktima, subalit idineklarang dead on arrival.
Nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang leeg at dalawa sa likod si Dayang mula sa 9mm na baril.
Samantala, tiniyak ng APPO na mabibigyan ng hustiya ang pag-atake sa isang itinuturing na haligi ng media sa bansa.
Si Dayang ay naging matagal nang pangulo ng Publishers Association of the Philippines (PAPI). Maliban dito, naging pangulo rin siya ng Manila Overseas Press Club at director at board secretary ng National Press Club.
Naging kolumnista ng ilang pahayagan sa bansa at naging publisher ng Philippine Graphic Magazine.
Naging interim mayor rin siya noong panahon ng 1986 People Power revolution.