-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Ipinaabot ni Chrispin Raymund Gerardo, tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) Aklan na ang muling pagbubukas ng voter’s registration sa darating na Agosto 1 hanggang Agosto 10 ay para lamang sa mga first-time voters at sa mga na-deactivate, upang bigyang-daan silang makaboto sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon.

Ayon sa kanya dahil sa maikling panahon, maaaring hindi na umabot ang kanilang aplikasyon sa pagdinig ng Election Registration Board (ERB), at kahit makapag-apply sila, posible ring hindi maaprubahan ang kanilang aplikasyon.

Ang mga pagdinig ng ERB ay ginagawa upang aprubahan o ibasura ang mga aplikasyon para sa registration, at upang tanggalin sa listahan ang mga botanteng namatay na, hindi nakaboto ng dalawang magkasunod na regular na eleksyon, at iba pang batayan ayon sa batas.

Ang voter’s registration ay orihinal na itinakda noong Hulyo 1 hanggang Hulyo 11, ngunit ipinagpaliban ito sa huling linggo ng Oktubre hanggang Hulyo 2026.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna dito,  ipinaliwanag ng Comelec na kakailanganin ng mas mahabang panahon para sa registration sakaling ma-reset ang BSKE.

Ang pagpapaliban ay dahil sa inaasahan nilang hindi matutuloy ang eleksyon sa Disyembre 1, matapos pagtibayin ng Kongreso ang panukalang batas na magtatakda ng apat na taon bilang termino ng mga halal na opisyal ng barangay, kapalit ng kasalukuyang tatlong taon.

Samantala, sinabi pa ni Gerardo nga target nila ang mga  bagong botante o SK voters na may edad 15 hanggang 17.