Ninanamnam sa ngayon ni Ms. Beatriz Francesca Abalajon Mclelland ang kaniyang tagumpay matapos na masungkit ang korona ng Reina Hispanoamericana Filipinas sa ginanap kamakailan lamang na coronation night ng Ms. Grand Philippines 2025 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Reina Hispanoamericana Filipinas 2026, mula nang sumali siya sa pageantry ay nais nitong masungkit ang titulong Reina Hispanoamericana dahil dito umano niya nakikita ang kaniyang sarili sa pagkaroon ng energetic personality at ang talento nito sa pagsasayaw.
Ayon pa kay Ms. Beatriz, fan din siya ng Filipino-Spanish culture na isa sa kaniyang mga character kung kaya’t nakikita nito ang kanilang sarili sa nasabing larangan ng pageantry.
Sa pagkasungkit nito ng korona ay lubos ang kaniyang kasiyahan dahil sa nagbunga lahat ng kaniyang paghihirap at sakripisyo sa training mula sa paglahok nito sa Miss World Philippines 2022 kung saan, nasungkit niya ang korona bilang Miss Teen Eco Philippines at nitong taon lamang sa Binibining Pilipinas ngunit nabigo siyang maiuwi ang inaasam-asam na korona.
Ngunit hindi nagtapos doon ang lahat kung saan, sa pakikilahok nito sa Miss Grand Philippines 2025 ay napasakamay na nito ang tagumpay at inaasam-asam na korona ng Reina Hispanoamericana Filipinas.
Si Ms. Mclelland ang kakatawan ng Pilipinas sa Reina Hispanoamericana 2026 na posibleng gaganapin sa bansang Bolivia.
Sisikapin nitong manatili ang korona sa Pilipinas kasunod ni Dia Maté na siyang nakoronahan noong February 10, 2025 sa Santa Cruz, Bolivia matapos ang ilang taon nang unang nakatanggap ng nasabing titulo ang Pilipinas sa pamamagitan ni Ms. Teresita Ssen “Winwyn” Marquez noong 2017.