KALIBO, Aklan — Inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang rekomendasyon ni Vice Mayor Philip Yerro Kimpo, Jr. sa pamamagitan ng isang resolusyon na makipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Kalibo sa mga Local Animal Welfare Group and Rescue Shelters sa Aklan upang makagawa ng komprehensibong polisiya kaugnay sa Animal Welfare and Stray Animal Management ng Munisipyo.
Ayon kay Vice Mayor Kimpo na target nila na makipag-tie-up sa tatlong Animal Rescue and Rehabilitation Center at iba pang animal welfare advocacy organizations sa lalawigan.
Ito ay ang Aklan Animal Rescue and Rehabilitation sa Paraiso Road, Banga, Home of Paws sa nasabi rin na bayan at Aklan Animal Welfare Advocates na naglalayong makagawa ng mga patakaran kung paanong maalagaan ang mga na-rescue na stray animals lalo na ang mga asong pagala-gala sa mga pangunahing kalsada sa bayan ng Kalibo.
Sa ipapatawag umanong committee meeting ay iimbitahan ang naturang mga organisasyon para sa paggawa ng ordinansa ukol sa sistema ng pag rescue, pag-aalaga sa mga hayop, adoption process, gayundin ang mekanismo kong paanong makontrol ang bilang ng mga stray animals.
Dagdag pa ng bise alkalde na malapit nang matapos ang pasilidad ng LGU Kalibo para sa mga ma-rescue na hayop, subalit nangangailangan ng eksperto upang mapatupad ng maayos ang pangangalaga sa mga ito para sa kanilang kabutihan.
Gusto rin nila na masolusyon ang dumadaming mga stray animals sa pamamagitan ng Spay and Neuter Procedure o pagkapon, responsible pet ownership education at maraming iba pa.
Ang naturang plano aniya ay maari rin na magsilbing outreach tourism sa bayan ng Kalibo.