Pormal nang nanumpa si Jesus Crispin Remulla bilang bagong Ombudsman sa harap ni Acting Chief Justice Marvic Leonen sa Korte Suprema nitong Huwebes.
Matapos ang panunumpa, inihayag ni Remulla na kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng kanyang panunungkulan ang imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa flood control projects, kung saan inaasahang magsasampa ng mga kaso sa mga susunod na linggo kapag sapat na ang ebidensya.
Tiniyak din niya na ang mga imbestigasyon ay ibabatay sa ebidensya at hindi sa katungkulan o pagkatao ng mga sangkot.
Bukod sa imbestigasyon at prosekusyon, maglalabas din ng mga rekomendasyon ang Ombudsman para sa mas mahusay na pamamalakad sa mga ahensya ng gobyerno. Kabilang sa kanyang mga isinusulong na reporma ang pagpapabuti ng kooperasyon ng mga telco upang mapabilis ang aksyon kontra online child pornography at pang-aabuso.