-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Humigit kumulang sa isang milyon ang pinsalang iniwan ng sunog na tumupok sa dalawang palapag na residential building sa isla ng Boracay.

Sa panayam kay FO1 Ronnievic N. Saquita ng Bureau of Fire Protection-Boracay, sinabi nito na nasa P945,000 ang iniwang danyos ng sunog na umabot ng mahigit isang oras bago naapula ang apoy.

Batay sa kanilang imbestigasyon, napansin na lamang aniya ng mga tao sa lugar na may makapal na usok na nanggagaling sa building kung kaya’t kaagad nila itong sinuri.

Bumulaga sa mga ito ang malaking apoy na mabilis na kumalat dahil sa mga kagamitan na kinapitan nito.

Maliban sa mga fire fighter personnel ng BFP Boracay ay tumulong din sa pag-apula ng apoy ang mga tao sa lugar at ilang fire truck ng mga malapit na hotel.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng BFP ang naging sanhi ng nasabing sunog.