ALTAVAS, Aklan — Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa natagpuang patay na bagitong pulis sa loob ng kanilang kampo sa Sitio Murayan, Brgy. Poblacion, Altavas, Aklan, madaling araw ng Huwebes, Setyembre 11, 2025, kung saan sinasabing may tama ito ng bala sa ulo.
Ang biktima na hindi muna pinangalanan ay may ranggong patrolman ay 28 anyos, residente ng Brgy. Bita, Dao, Capiz at nakatalaga sa 1st Aklan Provincial Mobile Force Company 4th Maneuver Platoon sa naturang lugar.
Ayon kay PCapt. Jover Ponghon, hepe ng Altavas Municipal Police Station, alas-4:15 ng madaling araw nang makatanggap sila ng tawag kaugnay sa natagpuang bangkay ng biktima sa kanyang higaan na naliligo sa sariling dugo at may tama ng bala ng baril sa ulo sa loob ng kanilang barracks.
Nakita umano sa higaan ang mga dugo at isang baril na pinapaniwalaang 9mm pistol na PNP issued firearms.
Sa kanilang imbestigasyon sa mga kasamahan ng biktima, nakarinig umano sila ng isang putok ng baril.
Naisugod pa ito sa ospital ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO-Altavas, subalit idineklarang dead on arrival.
Dagdag pa na sumailalim umano ang biktima sa SWAT training, subalit na-defer dahil sa nakitang diperensiya nito sa kanyang paa bunsod ng kanyang pagka-aksidente noon.
Sinasabing halos apat na taon pa lamang ito sa serbisyo.
Palaisipan naman sa mga awtoridad kung nagbaril sa sarili ang biktima o accidental firing ang nangyari.
Ang insidente ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO)-Aklan.
Isasailalim sa otopsiya ang bangkay ng biktima at maging ang mga kasamahang naka-duty na pulis ay isasailalim rin sa paraffin test.