-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang agarang pag-aresto sa alkalde ng Libacao, Aklan na si Vincent Navarosa at ang kanyang ama na si Vice Mayor Charito Navarosa gayundin tatlong iba pa dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at kasong direktang panunuhol sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code.

Ayon sa warrant of arrest na nilagdaan ni Associate Justice Zaldy T. Trespesses ng Fifth Division ng Anti-Graft Court, inatasan ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ipatupad ang pag-aresto sa loob ng sampung araw mula sa kanilang pagtanggap nito.

Kinakailangan din ng nakasulat na paliwanag kung hindi ito maisasakatuparan sa takdang panahon, alinsunod sa Rule 113 ng Rules of Court.

Kasama rin sa mga akusado sina Peter Zapues Orbista, Gary Rivera Gaylan, at Sherwin Flores.

Pinayagan naman ng korte na magpiyansa ang bawat isa ng halagang ₱90,000 para sa kasong katiwalian at ₱60,000 para sa kasong panunuhol bilang pansamantalang kalayaan.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyong sangkot sa korapsyon ang mga nasabing opisyal.