-- ADVERTISEMENT --

BORACAY, Island —Pormal ng tinanggal ng Sangguniang Bayan ng Malay ang proposed Caticlan-Boracay Bridge mula sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) at Annual Investment Plan (AIP) sa pamamagitan ng Resolution No. 106, Series of 2025.

Ayon kay sangguniang bayan member Alan Palma Sr.,  unanimous ang naging desisyon ng konseho noong Hunyo 19, 2025, dahil sa pangamba sa epekto ng proyekto  sa kalikasan, kabuhayan at kakulangan ng konsultasyon sa publiko.

Nabanggit din dito ang posibleng pinsala sa paligid at ekonomiya, gayundin ang epekto sa komunidad, bilang dahilan ng pagtutol sa proyekto.

Hiniling din nila ang masusing pag-aaral at mas malawak na konsultasyon kabilang ang mga residente, eksperto at iba’t ibang stakeholders  upang humanap ng mas makakabuting solusyon sa transportasyon sa gitna ng Caticlan at Boracay.

Layunin ng konseho na makabuo ng mga alternatibong hakbang na makakabuti sa lahat habang pinangangalagaan ang kalikasan at kabuhayan ng komunidad.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Palma na ipapatawag niya ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang makapagpaliwanag kung bakit nagpalabas sila ng   anunsyo ukol sa pag-imbita ng mga local at foreign bidders sa kabila ng kawalan ng endorsement, aplikasyon at koordinasyon sa LGU-Malay.

Sinasabing ngayong buwan ng Hulyo iaanunsyo ng DPWH ang desisyon sa kontrobersyal na P7.95-bilyong proposed 2.54-kilometers Boracay bridge na popondohan ng San Miguel Corporation (SMC)

Ngunit, bago pa man ito isapinal ay kailangang makuha muna ang suporta ng mga lokal na gobyerno bago buksan sa Swiss challenge process.