-- ADVERTISEMENT --

IBAJAY, Aklan — Kasong murder ang isasampa laban sa 43-anyos na si Sangguniang Bayan member Mhirel  Zenatin kaugnay sa pagbaril-patay sa kaalyadong si Vice Mayor Julio Estolloso ng Ibajay, Aklan.

Naka-half mast na ngayon ang watawat sa municipal hall dahil sa pangyayari.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na nangyari ang insidente, umaga ng Biyernes sa loob ng Sangguniang Bayan Session Hall nang pumasok doon ang konsehal at saka pinagbabaril ang 50 anyos na vice-mayor sa kanyang opisina.

Namatay habang ginagamot ang biktima sa Ibajay District hospital.

Kasalukuyan naman nakakulong sa lock-up cell ng Ibajay Municipal Police Station ang suspek.

Batay sa report ni P/Maj. Rajiv Salbino, hepe ng Ibajay-Municipal Police Station, dakong 9:15 ng umaga ng Biyernes Agosto 8, 2025 naganap ang krimen sa nasabing lugar.

Nagtungo ang suspek sa opisina para humingi ng kopya ng kaniyang mga ipinasang ordinansa, ngunit kalaunan ay nagtanong ito sa bise alkalde ng, “vice, ano ang kasalanan ko sa’yo” saka binaril ito.

Nagtamo ng halos pito hanggang walong tama ng bala sa kanang dibdib si Estolloso na agad isinugod ng MDRRMO responders sa nasabing ospital, ngunit idineklara itong patay dakong alas-10:23 ng umaga.

Nadakip naman si Senatin sa kaniyang bahay at narekober ang Gloc 17 pistol na ginamit sa krimen.

Isasailalim sa autopsy ang katawan ng biktima habang isasailalim sa ballistics exam ang baril at paraffin test ang suspek.

Sa ngayon patuloy ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya upang malaman ang tunay na motibo ng suspek na kilalang kaalyado ng biktima dahil kapwa ito miyembro ng local political party na Tibyog Akean.