Nagpahayag ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng panibagong hakbang sa pagpapaunlad ng kapital na merkado sa bansa matapos ilunsad ang kauna-unahang green equity guidelines sa Timog-Silangang Asya.
Ayon sa SEC Memorandum Circular 13, Series of 2025, inilatag ang panuntunan para sa Philippine Green Equity, na layong palawakin ang opsyon sa sustainable investments bukod sa green bonds.
Paliwanag ng SEC, makakatulong ang mga alituntunin na magbigay ng malinaw na pamantayan sa mga kumpanyang nais kilalanin bilang green equity issuer.
Upang makakuha ng Philippine Green Equity Label, kailangan nakalista o naghahanda sa paglista sa Philippine Stock Exchange (PSE) ang kumpanya, at mahigit 50% ng kita at puhunan nito ay galing o nakatuon sa mga green activities.
Dagdag pa rito, dapat mas mababa sa 5% ang kita mula sa fossil fuels.
Ang pagsunod sa pamantayan ay sasailalim sa external review at taunang pagsusuri ng PSE.
Ayon kay SEC Chairperson Francis Lim, ang inisyatibong ito ay “game-changing” dahil hindi lamang magpapalakas ng merkado kundi susuporta rin sa layunin ng bansa para sa klima at makakaakit ng dayuhang puhunan sa green projects.