KALIBO, Aklan — Mas hinigpitan pa ang seguridad sa kapitolyo ng Aklan pagkatapos nang nangyaring pamamaril-patay kay Ibajay Vice Mayor Julio Estolloso, umaga ng Biyernes, Agosto 8, 2025.
Ayon kay security officer IV Adam Motus, head ng security department ng provincial capitol na mahigpit na ipinatutupad ang one-entry-one-exit policy at bawal na ang pagpapasok ng anumang uri ng mga baril sa loob ng kapitolyo.
Ang mga armas ng mga men in uniform ay obligadong i-deposit muna sa guwardiya ng kapitolyo.
Nabatid na naghigpit rin ng seguridad sa munisipyo ng Ibajay simula araw ng Lunes, Agosto 11.
Samantala, nilinaw ni Motus na wala namang mga elected officials sa lalawigan na may banta sa buhay, ngunit kailangan pa rin aniya ang dobleng pag-iingat.
Kasabay nito, umapela siya ng pang-unawa sa anumang posibleng abala na idudulot ng paghihigpit.
Prayoridad umano nilang mapangalagaan ng seguridad ni Aklan Governor Joen Miraflores at iba pang mga opisyal at empleyado ng kapitolyo.
Matatandaan na huling nagpatupad ng kaparehong paghihigpit sa seguridad ang provincial government noong 2023 nang pasukin ng mga armadong lalaki at namaril sa bahay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo na ikinasawi ng 8 iba pang indibidwal.