-- ADVERTISEMENT --

Tinuligsa ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang panawagan ng ilang student leaders na mag-inhibit siya sa posibleng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dahil umano sa kakulangan ng pagiging patas.

Ayon kay Escudero, hindi patas ang basehan ng grupo kung ang ibig nilang sabihin ay ang pagsang-ayon sa kanilang posisyon. Aniya, ang tunay na katarungan ay ang pantay na paglalapat ng batas sa lahat, anuman ang panig.

Lunes nang magsadya sa Senado ang ilang miyembro ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) upang mag-abot ng liham kay Escudero. Sa nasabing liham, nanawagan ang grupo na mag-inhibit siya sa pagiging presiding officer at senator-judge sa impeachment trial bilang pagpapakita ng public trust at pananagutan.

Mariing iginiit ni Escudero na ang pagiging patas ay hindi nangangahulugang pagsunod sa kagustuhan ng iisang panig lamang.