-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Kahit suportado ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paigtingin ang sektor ng agrikultura sa huling tatlong taon ng kanyang termino,  nagbabala siya laban sa last-minute budget insertions na maaring magdulot ng panganib sa budget ng agrikultura at “corrupt spending” practices.

Ipinangako ni Senador Pangilinan na gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan bilang miyembro ng Senado upang mabigyang katuparan ang pangako ng Pangulo na maglaan ng P113 bilyon para sa mga programa ng Department of Agriculture (DA).

Layunin umano nito na masolusyunan ang mataas na presyo ng bigas at iba pang bilihin at ang suporta sa agrikultura.

Binigyang-diin ng senador na mananatili siyang mapagbantay laban sa mga insertions sa budget at mga pagtatangkang bawasan ang pondo ng sektor ng agrikultura, katulad ng nangyari sa 2025 budget kung saan binawasan ang pondo para sa mga programa sa edukasyon upang pondohan ang mga proyekto sa imprastruktura.

Dagdag pa ng senador, nais niyang makita ang mas maraming detalye tungkol sa planong P113 bilyong budget para sa DA, dahil siya mismo ay nagmungkahi ng kaparehong plano na dagdagan ang budget ng DA ng P100 bilyon taun-taon upang lubos na masuportahan ang sektor ng agrikultura sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang chairman ng Committee on Agriculture,  ipinangako niya na bibigyang pansin ang dagdag na kita sa mga magsasaka .

Aalamin rin umano niya kung bakit bigong naipatupad ang kanyang Sagip Saka Act, na nagpapahintulot sa mga national at local government units sa direktang pagbili ng mga produkto mula sa mga magsasaka at mangingisda nang walang public bidding.