Tiniyak ng Department of Health (DOH) na patuloy ang pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga evacuation center at apektadong komunidad sa Luzon at Visayas matapos ang pananalasa ni Bagyong Opong.
Ayon sa DOH, nagsasagawa ng libreng konsultasyon at pamamahagi ng gamot sa 230 evacuation centers sa Eastern Samar at 127 sa Metro Manila.
Samantala, iniulat din ng DOH na mahigit 6,700 pamilya sa rehiyon ng Calabarzon ang unti-unti nang nakakabalik sa kanilang mga tahanan.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 23,300 pamilya ang nabigyan ng tulong sa 1,482 evacuation centers sa buong bansa mula nang manalasa ang Tropical Depression Mirasol sa Aurora noong nakaraang linggo, kasunod ng pinsalang idinulot ni Opong sa iba’t ibang bahagi ng Visayas.