-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Magpapatupad ng pansamantalang shutdown ng lahat ng cellular phone signal sa araw ng Linggo, Enero 18, 2026, sa mismong kapyestahan ni Sr. Sto. Niño de Kalibo bilang bahagi ng security measure sa inaasahang pagdagsa ng libo-libong deboto, bisita, bakasyunista, balikbayan at maging mga dayuhang turista.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PSSgt. Leonilyn Artes, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, ito ay batay na rin sa naging kahilingan ni Kalibo mayor Juris Sucro para tiyakin ang kaligtasan ng lahat na dadalo at makisaya sa nasabing okasyon.

Posible aniyang sa umaga ng Linggo ito ipapatupad na magtatagal sa loob ng tatlong oras ngunit walang ibinigay na oras para sa dagdag na seguridad ng lahat.

Kaugnay nito, umapela ang lokal na pamahalaan ng Kalibo sa National Telecommunications Commission (NTC) na abisuhan ng maaga ang kanilang mga telecommunications company upang maipaabot rin sa mobile users na hindi ang mga ito makapag-text o makatawag manlang oras na mawawalan ng signal ang kanilang mga cellular mobile phone.

Mahigpit rin na imomonitor at ipapatupad ng Site Task Group Ati Fest 2026 ang signal shutdown upang mas lalong mapalakas ang seguridad at kaligtasan ng libu-libong festival goers at mga deboto.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan na maaapektuhan rin ang ibang bahagi ng Aklan lalo na ang mga kalapit lugar ng Kalibo ng pansamantalang pagkawala ng network signal.

Nabatid na ngayong taon ay aabot sa 3,000 forced multipliers ang inilaan sa pagbantay sa siguridad at kaligtasan ng lahat sa weeklong celebration ng Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan Festival na itinuturing rin na Mother of All Philippine Festival.