KALIBO, Aklan — Nagsagawa ng legislative inquiry ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Aklan upang mabigyang-linaw ang mga pangyayari sa pagkamatay ng isang ina sa Aklan Provincial Hospital.
Ayon kay SP Member Apolinar Cleope, dumalo sa naturang pagdinig ang mga kinatawan ng Provincial Health Office, Chief of Hospital, Chief of Clinic, pinuno ng OB-GYN Section, anesthesiologist at Chief Nurse.
Batay umano sa kanyang pagkaunawa at sa mga salaysay ng mga inimbitahan, mataas ang blood pressure ng pasyente nang dumating ito sa emergency room, ngunit stable pa naman ang iba pa nitong vital signs.
Sa isinagawang pagsusuri, natukoy na wala nang buhay ang sanggol sa loob ng sinapupunan ng pasyente.
Matapos umano maging stable ang vital signs ng pasyente, inilipat ito sa ward habang hinihintay na maging available ang operating room dahil okupado pa ang tatlong operating room sa nasabing oras.
Pinayuhan din umano ang mga kasama ng pasyente na bantayan itong mabuti at agad ipaalam sa mga nurse kung may maramdaman itong anumang hindi maganda.
Dagdag pa ni Cleope, ipinaliwanag din umano ng mga doktor na alinsunod sa protocol ng ospital, kapag namatay ang sanggol sa loob ng sinapupunan, isinasagawa ang induction upang mailabas ito sa pamamagitan ng normal delivery, lalo na kung hindi pa pumuputok ang panubigan ng pasyente. Inaasahan din umanong maiiwasan nito ang posibleng pagkakaroon ng sepsis o impeksiyon.
Samantala, sinabi ni Cleope na kailangan pa nilang balikan at suriin ang minutes ng isinagawang pagdinig upang higit na maunawaan ang mga dahilan at pangyayaring nagresulta sa pagkamatay ng pasyente.
Nilinaw rin niya na hindi isang pormal na imbestigasyon ang naturang pagdinig, kundi isang hakbang upang maunawaan ng mga miyembro ng SP ang nangyari at matukoy kung nagkaroon ng pagkukulang sa pagpapatupad ng mga protocol ng ospital o sa pagbibigay ng pangangalaga sa pasyente.
Nagpaabot naman ng pakikiramay at pakikidalamhati si Cleope sa naulilang pamilya ng pasyente. Via Bombo Ashley Mae Pamaos













