-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Naging spectacular ang fireworks display sa gitna ng dagat sa Isla ng Boracay na nilahukan ng nasa 14 na mga accomodation establishments sa pagsalubong ng bagong taon.

Sa kabila ng makulimlim na panahon, napuno ng mga turista ang beach front para sa final countdown, kung saan nag-enjoy ang mga ito sa kaliwat-kanang mga parties sa New Year’s Eve.

Sa kabilang daku, patuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay sub-station sa sanhi at kabuuang halaga ng pinsala sa pagkasunog ng isang residential building sa Sitio Bulabog, Brgy. Balabag Zone 4 sa Isla ng Boracay.

Ayon  kay FO1 Clint Porras,  Fire Arson Investigator na two-storey residential building ang tinupok ng apoy at sa mabuting palad, wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa insidente.

Bandang alas-5:02 ng madaling araw nang maitala ang sunog at agad na itinaas sa unang alarma.

-- ADVERTISEMENT --

Makalipas ang halos kalahating oras, bandang alas-5:39 nang ideklarang fire under control at tuluyang naapula ang apoy alas-5:56 ng umaga.

Dagdag pa ni FO1 Porras na mabilis na rumesponde ang mga bumbero sa lugar dahilan na hindi na kumalat ang apoy.

Nagpaalala rin ang opisyal sa publiko na manatiling alerto at agad tumawag sa emergency hotline sakaling may sunog.