-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng operasyon ng Social Security System (SSS Aklan) branch laban sa mga employer na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado at iba pang mga bayolasyon sa ilalim ng programang Run After Contribution Evaders (RACE) campaign ng ahensya.

Ayon kay Rey Mark Casaquite, corporate executive officer ng SSS-Aklan na sa isinagawang operasyon noong nakaraang araw, 12 mga establisimento na karamihan ay nakatalaga sa bagong bukas na mall, personal nilang ibinigay ang mga sulat o notice of violation kaugnay sa non-registration at non-remittance.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Casaquite na layunin ng programa na hikayatin ang mga employer na tumalima sa kanilang obligasyon sa ilalim ng batas upang mapangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa sa mga benepisyo kagaya ng  retirement, pagkakaroon ng sakit, kapansanan, at kamatayan.

Hindi umano nila layunin na parusahan ang mga employer kundi na i-guide ang mga ito na mapaayos ang kanilang mga record at maiwasan ang mas mabigat na parusa.

Sa naturang operasyon,  11 sa mga employer sa isang mall ang nadiskubreng hindi pa rin rehistrado sa SSS dahilan na hindi pa naparehistro ang kanilang mga workers habang ang isang establisimento sa bahagi ng Brgy. Nalook Kalibo ay bigong maka-remit.

Base aniya sa patakaran ng SSS, ang mga employer na makakatanggap ng notice of violation ay may 15 araw upang makatugon sa hinihinging requirements kasama ang pagparehistro ng kompanya at mga empleyado, pag-report ng kontribusyon, ag pag-remit ng bayad.

Sakaling hindi makakasunod, maaring maharap sa ligal na aksyon o multang batay sa Social Security Law.

Panawagan pa ng SSS sa mga employer sa buong lalawigan ng Aklan at Isla ng Boracay na agad na makipag-ugnayan sa kanilang opisina upang maiwasan ang anumang ligal na aberya at masiguro na ligtas at protektado ang kinabukasan ng kanilang mga trabahador.