Patuloy ang paglala ng krisis sa Iran matapos ang marahas na paglusaw ng mga awtoridad sa mga anti-government protest, na nagdulot ng libo-libong nasawi at nasugatan, ayon sa mga human rights group. Maraming sugatang demonstrador ang umiwas sa mga ospital dahil sa takot na maaresto at sa halip ay humingi ng lihim na gamutan sa mga pribadong tahanan.
Dahil sa mahigpit na pagbabantay ng mga pwersang panseguridad sa mga ospital at medical records, napilitan ang ilang healthcare workers na magbigay ng palihim na lunas o itago ang tunay na sanhi ng mga sugat. Inilarawan ang mga ospital sa Tehran at iba pang lungsod na halos hindi na makasabay sa dami ng pasyente, kakulangan sa suplay, at matinding pagod ng mga medical staff, habang may mga ulat din ng pagdukot sa mga pasyente mula sa mga pasilidad.
Kasabay nito, naiulat din ang pag-aresto at pananakot sa mga doktor at volunteer na tumulong sa mga sugatan. Bagamat iginiit ng pamahalaan ng Iran na karamihan sa mga nasawi ay mula sa hanay ng seguridad o mga sibilyang nadamay, patuloy namang minomonitor ng mga international human rights organizations ang sitwasyon sa gitna ng pangamba sa kaligtasan ng mga nagpoprotesta at ng mga nagbibigay ng tulong-medikal.













