Itinatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Office of the Presidential Adviser on Pasig River Rehabilitation (OPAPRR) sa bisa ng Executive Order No. 92 na nilagdaan noong Agosto 13, 2025. Layunin ng bagong tanggapan na pangunahan at pabilisin ang rehabilitasyon at pagpapaunlad ng Ilog Pasig.
Pamumunuan ito ng isang Presidential Adviser na may ranggong Kalihim ng Gabinete, na mangangasiwa sa mga proyekto, magbibigay ng payo sa Pangulo, at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya, LGUs, at pribadong sektor.
Kasabay nito, muling inayos ang Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development (IAC-PRUD), na ngayon ay nasa pamumuno ng OPAPRR. Magpapatuloy ang konseho sa pagpapatupad ng mga proyekto at pinahihintulutang tumanggap ng pondo mula sa pampubliko at pribadong sektor.
Ang operasyon ng OPAPRR ay popondohan mula sa budget ng mga kaugnay na ahensya, na aprubado ng Department of Budget and Management.
Agad na ipinatupad ang kautusan bilang bahagi ng hakbang ng administrasyon na ibalik ang Ilog Pasig bilang isang makasaysayan, kapaki-pakinabang, at malinis na likas-yaman.