BATAN, Aklan — Putol ang daliri at napigtas pa ang tenga ng isang lalaki matapos na mataga ng kanyang kapatid sa Sitio Talangban, Brgy. Camaligan, Batan, Aklan, gabi ng Lunes, Agosto 18, 2025.
Sa imbestigasyon ng Batan Municipal Police Station, nangyari ang insidente habang nag-iinuman ang magkapatid kasama ang kanilang mga pinsan.
Nang malasing, sinasabing naglabas na ng sama ng loob ang suspek na si alyas Carmello sa kaniyang kapatid na si alyas Gil, kapwa nasa hustong gulang at residente ng naturang lugar dahil sa sinasabing trabaho nila sa construction.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang magkapatid at nagsuntukan hanggang sa kinuha ng suspek ang itak at tinaga ang biktima na tinamaan sa tenga na ikinapigtas nito, at naputol din ang isa sa daliri nito sa kamay.
Agad naman isinugod ang biktima sa ospital na patuloy pang ginagamot sa ngayon.
Napagpasyahan umano ng biktima na hindi na magsampa ng kaso laban sa kanyang kapatid.