-- ADVERTISEMENT --

Isiniwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District assistant district engineer Brice Hernandez nitong Martes na naglalaro sila sa casino dalawa hanggang tatlong beses kada linggo kung saan ang kanilang boss na si dating district engineer Henry Alcantara ang nagbibigay ng bag na puno ng tig-P20 milyon sa bawat miyembro ng “BGC Boys” o “Bulacan Group of Contractors.”

Ayon kay Hernandez sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, grupo silang pumupunta sa casino at ang may dala lang ng pera ay ang kanilang boss na si Henry.

“Lagi po siyang may dalang pera na naka-bag sa sasakyan niya. Naka-ready po talaga panlaro. Kung hindi po ako nagkakamali, ang isang bag naglalaman ng mga P20 million,” dagdag pa niya.

Gayunman, sinabi ng engineer na wala siyang ideya kung galing sa kickback ang ginagamit nilang pera sa casino.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi rin nito sa komite na sila ang gumawa ng pekeng driver’s license para makapaglaro sa casino kahit ipinagbabawal ito sa mga empleyado ng gobyerno.

Aniya, ang mga taga-casino na rin umano ang nag-aalok na sila na ang gagawa ng paraan sa kanilang pekeng ID para sila ay makapaglaro sa casino.

Dahil dito, ipapatawag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang mga casino operator pati na ang isang nagngangalang Archival Torregosa alyas “Mike Archival” na siyang nag-alok sa “BGC Boys” ng mga pekeng ID.

Binansagan ni Lacson na “BGC Boys” sina Hernandez, dating Bulacan district engineer Henry Alcantara, engineer Jaypee Mendoza at dalawa pang nagtatrabaho sa First District Engineering Office ng Bulacan.