KALIBO, Aklan—Ipinag-utos ni Aklan Governor Jose Enrique Miraflores ang pagsuspinde sa trabaho sa gobyerno probinsyal maliban na lamang ang mga nasa tanggapan na nagbibigay ng pangunang serbisyo gaya ng mga nagtatrabaho sa hospital at emergency response unit maging ang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan ay kanselado rin ngayong araw ng Biyernes, Setyembre 26, 2025.
Ang anunsyo ng gobernador ay bilang pag-iingat sa kaligtasan ng lahat sa inaasahang pananalasa ng Severe Tropical Storm Opong.
Kaugnay nito, nagpalabas rin ng abiso ang Philippine Coast Guard (PCG) Aklan na nananatiling kanselado ang lahat ng biyahe ng mga sakayang pandagat mula sa Caticlan port sa Brgy. Caticlan, Malay papuntang lalawigan ng Mindoro, Batangas at Romblon.
Samantala, inihayag naman ni Kalibo Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) head Mr. Terrence June Toriano, activated na ang kanilang grupo at nakahanda na rin ang lahat ng kanilang kagamitan habang patuloy ang mga ito na nakamonitor sa lagay ng panahon.
Inaasahan kasi na ngayong araw ng Biyernes ang lalong pagbuhos ng malakas na ulan kahit na hindi direktang tinutumbok ng Bagyong Opong ang lalawigan ng Aklan ngunit nakakaapekto pa rin ang Southwest Monsoon at localized thunderstorms.