-- ADVERTISEMENT --

BANGA, Aklan — Hindi pa matukoy sa ngayon ng mga awtoridad kung ano talaga ang totoong motibo sa pagpaslang sa dalawang manggagawa ng isang farm ng mga manok panabong, umaga ng Miyerkules,  Hulyo 9, 2025 sa Brgy. Lapnag, Banga, Aklan.

Ayon kay P/Capt. Dandy Gonzalodo, hepe ng Banga Municipal Police Station na gumugulong pa ang imbestigasyon hinggil sa naturang kaso.

Aniya, masyado pang maaga para magbigay ng kongklusyon hinggil sa tunay na motibo sa pamamaslang sa mga biktimang sina Stephen Palmon, 44, residente ng Dingle, Banga at Hersey Rufin, 46, residente naman ng Badiangan, Banga, kapwa stay-in worker sa nasabing game farm na pagmamay-ari umano ng retired police na si Andres Protacio.

Wala pang persons of interest sa krimen at pinapaniwalaang mahigit sa dalawa ang mga suspek sa pamamaril.

-- ADVERTISEMENT --

Giit pa ni  P/Capt. Gonzalodo,  maingat sila sa pagpapalabas ng pahayag hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon ng SOCO para malaman kung sino ang mga gunman at dahilan sa pagpatay sa mga biktima.

Kasama sa iniimbestigahan ang isa pang farm boy na katrabaho ng mga biktima na nagsabing tulog umano ito nang mangyari ang krimen dahilan na hindi alam ang mga nangyari.

Natagpuan ang mga biktima pasado alas-12:00 na nang hapon nang pumasok ang kapatid ng may-ari ng game farm sa lugar.

Matatandaang natagpuan ang bangkay ng dalawa na kapwa may tama ng bala sa ulo at halos 150 metro ang layo sa isa’t-isa.

Dahil walang narekober na basyo ng bala sa crime scene, pinapaniwalaang .38 caliber o revolver ang ginamit na baril.

Dagdag pa na dati nang ninakawan ng mahigit sa 10 manok panabong ang naturang farm noong nakaraang mga buwan.