-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Muling iginiit ni Police Brigadier General Randulf T. Tuaño, Acting Regional Director ng Police Regional Office 6 (PRO-6) na ang maayos na ugnayan sa pagitan ng media at mga pulis ang magiging susi upang maging maganda ang relasyon ng magkabilang panig.

Sa kanyang command visit sa Aklan Police Provincial Office, binigyang-diin ni Tuaño na mahalagang katuwang ng pulisya ang media sa paghahatid ng tama, napapanahon, at transparent na impormasyon sa publiko.

Samantala, nangako ang opisyal na paiigtingin pa ang police visibility sa Western Visayas upang higit na mapalakas ang kampanya laban sa kriminalidad.

Aniya, napatunayang epektibo ang mas pinaigting na presensya ng mga pulis sa komunidad matapos magtala ng malaking pagbaba sa mga focus crime, kabilang ang pagpatay, pananakit, panggagahasa, pagnanakaw, at carnapping.

Bilang bahagi ng kanyang programa, inatasan ni Tuaño ang mga police commander na tukuyin ang mga lugar na nangangailangan ng mas maraming pulis upang mapalakas ang pagpapatrolya at mapigilan ang krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-prayoridad din ng bagong regional director ang crime prevention, mabilis na pagtugon sa mga insidente, at pagpapanatili ng integridad ng kapulisan.