
Nagpahayag si Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine na hindi siya magbibigay ng kahit anumang bahagi sa Russia bilang kapalit ng kapayapaan sa gitna ng nalalapit na pulong nina Pangulong Donald Trump ng U.S. at Russian President Vladimir Putin sa Alaska sa Agosto 15 upang talakayin ang digmaan sa Ukraine.
Ayon kay Zelensky, ang anumang kasunduan na hindi kasama ang Ukraine ay laban mismo sa kapayapaan.
Binigyang-diin nito na handa silang makipagtulungan sa lahat ng kaalyado para sa tunay at pangmatagalang kapayapaan, ngunit hindi sa paraan na isuko ang teritoryo sa sumakop.
Ang nasabing pahayag ay kasunod ng mga komento ni Trump na posibleng kakailanganin ng Ukraine na isuko ang bahagi ng lupain upang matapos ang digmaan, isang ideyang tinutulan ni Zelensky at ng Konstitusyon ng Ukraine.
Samantala, nagpulong ang mga opisyal mula sa Europa, Ukraine, at U.S. sa Kent, United Kingdom, upang pag-usapan ang mga hakbang para sa makatarungan at matatag na kapayapaan.
Sa kabila ng kagustuhan para sa kapayapaan, nananatiling matatag ang panindigan ng Ukraine na hindi ito tatanggap ng kasunduan na hindi sila bahagi.