Inakusahan ng mga imbestigador na itinalaga ng United Nations (UN) ang Israel ng krimen laban sa sangkatauhan na extermination o malawakang pagpuksa sa mga Palestinian sa West Bank, kasabay ng patuloy umanong genocide sa Gaza Strip.
Sa ulat ng UN Independent International Commission of Inquiry, sinabi nitong nakapagsagawa ang mga puwersang Israeli ng mga paglabag na kinabibilangan ng torture, rape, iba pang uri ng seksuwal na karahasan at mga krimen sa digmaan mula nang lumala ang sigalot noong Oktubre 2023.
Ayon sa komisyon, pinalala ng mga operasyong militar at karahasan ng mga Israeli settler ang kalagayan ng mga Palestinian, kabilang ang pagpatay sa mga sibilyan, pagkasira ng mga tahanan at sapilitang pagpapaalis sa mga residente.
Gayunman, mariing itinanggi ng misyon ng Israel sa Geneva ang mga konklusyon ng ulat, na tinawag nitong bahagi ng kampanyang naglalayong siraan ang bansa.













