-- ADVERTISEMENT --

Ipagdiriwang ang unang anibersaryo ng Cardinal Jaime Sin Museum sa araw ng Linggo, Agosto 31, kasabay ng ika-97 na kaarawan ng yumaong Manila Archbishop Cardinal Jaime Sin.

Ang pagdiriwang ay sisimulan ng isang Misa na pangungunahan ni Archbishop Victor Bendico, apostolic administrator ng Diocese of Kalibo.

Susundan ito ng maikling programa tampok ang musical tribute, mensahe mula kay Regalado Trota Jose Jr., chairman ng National Historical Commission of the Philippines at iba pa.

Matatandaan na binuksan ang Cardinal Jaime Sin Museum noong Setyembre 1, 2024 kung saan, ito ang kauna-unahang ecclesiastical museum sa Western Visayas na nagpapakita ng buhay at pamana ni Cardinal Sin na may mahalagang papel sa 1986 Edsa People Power Revolution.

Makikita din dito ang kapilya na itinalaga kay St. John Paul II, na binisita ang Pilipinas noong 1981 at 1995, kung saan siya ay tinanggap ni Cardinal Sin.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ikalawang palapag ng museo, naroon din ang mga exhibits na nagpapakita ng buhay ng Cardinal at ang kanyang mga personal na gamit at memorabilia.

Nabatid na si Cardinal Sin ay ang ika-30 Catholic Archbishop ng Maynila at ikatlong Filipino Cardinal na naging kilalang personalidad noong Edsa People Power Revolution 1986.

Ipinanganak sa bayan ng New Washington noong Agosto 31, 1928 at namatay noong Hunyo 21, 2005 dahil sa komplikasyon sa bato dulot ng diabetes.