-- ADVERTISEMENT --

Natukoy sa satellite imagery ang lokasyon ng US aircraft carrier na USS Abraham Lincoln malapit sa baybayin ng Oman, humigit-kumulang 700 kilometro mula sa Iran, sa gitna ng patuloy na presyur ng Estados Unidos laban sa Tehran kaugnay ng military program nito at mga ulat ng marahas na crackdown sa mga nagpoprotesta.

Pinamumunuan ng naturang aircraft carrier ang isang strike group na may tatlong guided missile destroyers at may dalang humigit-kumulang 90 sasakyang panghimpapawid at libo-libong tauhan. Naitala rin ang pagdeploy ng isa pang aircraft carrier, ang USS Gerald R. Ford, na inaasahang darating sa rehiyon sa loob ng ilang linggo.

Nakatakda ring magpulong ang mga opisyal ng US at Iran sa Switzerland para sa ikalawang round ng pag-uusap hinggil sa nuclear program ng Iran at posibleng pag-alis ng economic sanctions.

Bahagi ang pagdating ng mga barkong pandigma sa mas malawak na military build-up ng US sa Middle East sa nakalipas na mga linggo, na kinabibilangan ng pagdami ng mga destroyer, combat ships, at fighter jets sa rehiyon.