
Ilang mga paliparan sa Estados Unidos ang nag-aalis ng patakaran na nag-uutos sa mga pasahero na tanggalin ang kanilang sapatos sa oras ng security screening ng Transportation Security Administration (TSA).
Ayon kay White House Press Secretary Karoline Leavitt, isang malaking pagbabago ito mula sa Department of Homeland Security na namamahala sa TSA.
Kabilang sa mga paliparang nag-alis ng patakaran ay ang mga international airports sa Baltimore, Fort Lauderdale, at Portland.
Ang patakarang ito ay ipinatupad mula pa noong 2006, matapos ang insidente kung saan isang British na lalaki na kinilalang si Richard Reid ay nagtangkang magpasabog gamit ang bomba na nakatago sa kanyang sapatos sa isang flight patungong Miami.
Hindi pa opisyal na inanunsyo ng TSA ang pagbabago, ngunit sinabi nila sa isang pahayag na ito ay bahagi ng kanilang pagsusumikap na mapabuti ang karanasan ng mga pasahero habang pinapanatili ang mahigpit na seguridad.
Bukod sa mga nabanggit na paliparan, hindi rin ipinatutupad ang patakarang ito sa mga paliparan sa Cincinnati, Philadelphia, at Piedmont Triad sa North Carolina.
Naiulat din na hindi ito isinasagawa sa Los Angeles International Airport at LaGuardia Airport sa New York City.
Ang patakaran sa pagtanggal ng sapatos ay ipinakilala matapos ang 9/11 na teroristang atake sa US at ang insidente ng “shoe bomber” noong 2001, at layunin nitong mapalakas ang seguridad sa mga paliparan.