Kinumpirma ng US State Department na mahigit 6,000 student visas ang binawi mula nang maupo si Secretary of State Marco Rubio pitong buwan na ang nakalipas.
Ayon sa ahensya, karamihan sa mga kanseladong visa ay dahil sa overstaying at paglabag sa batas, kabilang ang assault, DUI, burglary, at umano’y pagsuporta sa terorismo.
Tinatayang nasa 4,000 rito ang direktang kaugnay ng mga paglabag.
Binatikos si Rubio sa kanyang agresibong kampanya laban sa mga estudyanteng aktibista, partikular yaong tumututol sa Israel.
Iginiit niyang may kapangyarihan ang gobyerno na magbigay o magbawi ng visa nang walang judicial review.
Dalawang kaso ang nagdulot ng hamon sa administrasyon matapos palayain ng korte sina Mahmoud Khalil, pro-Palestinian activist sa Columbia University, at Rumeysa Ozturk, Turkish student sa Tufts University na kritiko ng Israel.
Hindi naman ibinunyag ng State Department ang mga nasyonalidad ng mga estudyanteng naapektuhan.