-- ADVERTISEMENT --

Naglaan ang Pamahalaan ng Estados Unidos ng PHP13.8 milyong humanitarian aid para suportahan ang disaster response ng Pilipinas kasunod ng matinding pag-ulan at pagbaha na tumama sa ilang bahagi ng bansa nitong nakaraang linggo.

Ayon sa U.S. Embassy sa Maynila, ang pondo ay ipapadaan sa United Nations World Food Programme (WFP) upang tumulong sa relief at recovery efforts ng pamahalaan, partikular sa mga apektadong lugar sa Luzon.

Ang tulong ay mula sa US Department of State’s Bureau of Population, Refugees, and Migration, at layuning mapadali ang paghahatid ng pagkain sa mga komunidad sa Metro Manila, Hilaga at Gitnang Luzon, at Calabarzon na sinalanta ng pagbaha.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 25 ang nasawi sa epekto ng habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong. Tinatayang 1.06 milyong pamilya o 3.84 milyong katao ang naapektuhan ng matinding ulan at pagbaha.