-- ADVERTISEMENT --

HEALTH News — Nilinaw ng World Health Organization (WHO) na walang sapat na ebidensyang siyentipiko na nag-uugnay sa pag-inom ng paracetamol habang buntis at autism sa mga bata. Kasunod ito ng naging pahayag ni US President Donald Trump na posibleng may koneksyon ang naturang gamot sa autism.

Ayon sa WHO, nasa 62 milyong tao sa buong mundo ang may autism spectrum disorder (ASD), isang kondisyon na apektado ang pag-unlad ng utak. Gayunman, nananatiling hindi tiyak ang tunay na sanhi nito.

Binigyang-diin ng WHO na batay sa higit isang dekadang pananaliksik, walang napatunayang koneksyon sa pagitan ng paracetamol at autism. Muling iginiit ng ahensya na walang ugnayan ang mga bakuna sa autism.

Pinaalalahanan naman ng WHO ang mga buntis na kumonsulta sa doktor bago uminom ng anumang gamot, lalo na sa unang trimester ng pagbubuntis.